Salamat sa Gabi

Handa na ang aking puso,

sa paggiling katuwang ang mga katawang hindi pamilyar

ang hulma, ngunit ang paggalaw ng mga ito ay nakatatak na

sa aking gunita, na labis nang nananabik sa malakas na huni ng

musika na aakay sa aming mga magkakadikit na laman at pawis,

sa buong magdamag.

Ano kaya ang maiaalok ng gabi?

 

Handang-handa na ang aking puso,

habang sa wakas ay binubuksan na ang napakalaking pinto na nagaanyaya ng isang di malilimutang magdamag.

Pinuno ng magkakasabay na hagikhikan, sipol at sigaw ang nagbabadyang katahimikan, sapagkat hindi pa hinahataw ng lambing ang musika.

Ngunit ang mga hiyawan ay musika na nga kung maituturing.

Ramdam ko ang nagbabagang koneksyon na namumuo sa dilim.

Ano kaya ang maiaalok ng gabi?

 

Lumiwanag na ang aking puso,

kasabay ng mabilis ng pagbugso ng iba’t-ibang tinta ng

ilaw ng bahaghari. Hindi ko namalayan ang aking malakas na

pagsipol kasabay ng mga tila kinikilig na tili ng mga kakababaihan sa di kalayuan.

Ang lugar ay binalot ng nakabibinging dilim, pwera na lamang sa makulay na ilaw sa harapan.

Maya-maya’y pa’y nagsulputan na ang mga pulutong ng ilaw sa magkakahiwalay

na sulok at kanto ng mala-higanteng kwarto.

Nagbigay liwanag ito sa daan-daang mga pawisan at kaakit-akit na mga mukha ng iilan sa mga katawan na makakasama ko sa pagindak, ilang saglit lang.

Sabik na akong masiliyan kung ano nga ba ang maiaalok ng gabi.

 

Tumalon ang aking puso

sa paghaplos ng isang estrangherong laman sa aking buhok.

May isang pares pa ng kamay ang humihimas-himas sa ibabang parte ng aking kaliwang binti.

Hindi na ako nagkaroon ng pagkakataon upang magbigay ng tugon,

sapagkat ang pinakahihintay naming saglit ng hudyat ng pagdating ng musika ay dumating na.

Matapos ang apat na nota ay nagsigalawan na ang bawat katawan, ang bawat bisig, na tila alon ang magkakaposas na indayog.

Mas lumakas pa ang musikang galing sa aming mga lalamunan, mas lumakas pa ang bawat palo ng indak habang mabilis na tumatakbo ang oras.

Ano pa ang maiaalok ng gabi?

 

Hinawakan ng malalakas na mabababang nota ang aking puso.

Bawat kalabit ng gitara ay tumutulak sa akin papalapit, at hindi ko pa namalayan

na nasa kabilang bahagi na pala akong ng silid, kasama ang mga pisngi na hindi ko naman kapilang kanina sa pagsayaw.

May mga bagong bisig ang bumabalot sa aking baywang,

At sabay kaming umindak sa galit na pag-iyak ng mga awitin.

Binigyan niya ako ng isang halik sa leeg habang hinihimas niya ang aking maikling buhok.

Mas naligaw ako sa init ng kanyang paghinga at paglaro niya sa aking likuran.

Hinarap niya ang aking mukha at mabilis na naglapat ang aming mga labi.

Ano pa ang maiaalok ng gabi?

 

Kasing-higpit ng yakap niya, ang kapit niya sa aking puso.

sa gitna ng bulungan, at tawanan ay nag-abot siya sa akin ng isang baso ng inumin.

Agad ko itong tinikman at kumalat ang mapait na lasa ng alak sa aking dila.

Inasahan ko na ang pag-init ng aking tiyan, ngunit hindi ko inantay

ang malakas na pagpalo ng inumin sa aking gunita.

Naramdaman ko ang paglaki ng aking mga mata, at ang nakababahalang pagbilis ng aking mga paggalaw.

Nananabik na akong kumawala.

Nagugustuhan ko na ang mga iniaalok ng gabi.

 

Tila nasa langit na ang aking puso.

Inalok niya ulit ako ng inumin na iyon at tinanong ko siya nang malakas kung anong klase iyong inumin.

Ngumiti siya, at sinabing hindi lang iyon basta alak .

Hindi na siya nagdagdag pa kaya hindi na rin ako nagtanong.

Naramdaman ko ang pag-iikot-ikot ng aking mga mata,

habang bumubuo ng sariling selebrasyon ang aking isipan.

Pumuputok din sa aking isipan ang iba’t-ibang kulay, sari-saring huni, sari-saring bulong na hinding-hindi  ko pa naririnig sa labas ng aking gunita.

Humingi ako sa kanya ng lima pang baso.

Sa aking huling pag-inom ay narinig ko ang pagbagsak ng isang katawan sa tabi.

Maya-maya pa’y may dumating na isang nakapapangilabot na tili.

Ito na ba ang inaalok ng gabi?

 

Handa na ang aking puso,

Habang tinitignan ko ang walang buhay na katawan niya.

Tumigil ang pagkalabog ng musika, at may mga paghikbi sa tabi.

Hawak niya ang basong pinagsasaluhan namin kanina, ilang minuto lamang ang nakakaraan.

Nanginginig na ang aking mga bisig.

Patuloy pa rin na lumulutang sa langit ang aking isip.

Dahan-dahang pumikit ang aking mga mata.

Pasuray-suray ang aking mga paa, habang papalapit sa kanya.

Bumabagal na ang tibok ng aking puso.

Dahan-dahan nang bumabagsak ang aking mga mga bisig.

Salamat sa gabi.

Salamat.

Salamat…

Advertisements

4 Comments Add yours

  1. SweetMay says:

    Great poem, parang sakto sa event sa Pasay. Were you there?

    Liked by 1 person

    1. Angel says:

      Salamat! I was not there, but that particular incident in Pasay is the inspiration for this poem. =)))

      Like

      1. SweetMay says:

        I’m glad you weren’t there. Nice work. And let’s stay away from drugs. 🙂

        Like

      2. Angel says:

        Thank you. =)) I will SweetMay ‘coz “My gad! I heyt drags.”

        Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s