dalawang daang piso’t sampung oras

Naghihimutok na
ang mga sugat at galos ng aking kamay.
Tatlong araw lang pala
ang kaya ng aking murang katawan.
Tatlong araw lang pala
ang matitiis mula sa galit
ng mainit na mantika
na tumatalsik-talsik
at bumbubuo ng pulu-pulutong
na hapdi na ramdam ko pa
hanggang ngayon.
Salamat at dahan-dahan nang sumasara
ang mga hiwang nakuha mula sa paghuhugas
ng mga kagamitang
o kay tulis ng mga tagiliran.

Tatlong maghapong
paminsan-minsan lang makaupo.
Tatlong maghapong
walang humpay sa pagtanggap at pag-abot.
Tatlong maghapong
ngarag sa pagprito’t pagtuhog.
Tatlong maghapong
pagsusuma.
Tatlong nakapapagod na maghapon.

Matagal-tagal din itong
tatatak sa akin
hindi dahil sa mga pilat at bikat
na iniwan nito
kundi dahil sa isang
mahalagang perspektibo
na binuksan nito.

Ganito pala.
Ganito pala
ang hirap ng pagkayod para makaraos.
Kapalit ng sampung oras ay
dalawang daang piso
na ibabahagi mo ngayong gabi
sa iyong pamilya.
Kapalit ng sampung oras ay
dalawang putahe ng ulam
na tira
na isusupot mo
nang may maihapunan
ang pamilya.
Kapalit ng dalawang daang piso’t sampung oras ay
mahahabang oras at labis-labis na enerhiya
na naigugol sana
kasama ang pamilya.

Ito pala ang tunay na nasa labas.
Muntikan na akong magpaalam sa
aking kamusmusan
dahil sa nakagugulat
at paminsan-minsa’y
nakaiinis na bilis at ingay
ng pagtakbo ng mundo
habang namamawis na nagbabanat
ng buto.
Nabawasan yata ng maraming bitwin
ang kislap ng aking mga mata.
Siguro nga’y mas maawain pa ang mundo
sa loob ng eskwela
dahil sa labas nito,
sa loob ng tatlong araw,
ay natikman ko na
ang ilang tapyas na dala
ng pait
ng katotohanan.

Advertisements

3 thoughts on “dalawang daang piso’t sampung oras

Add yours

    1. sa may private school malapit po samin. nagpapahanap po kasi ako kay mudrabells ng part-time kasi ang tagal pa magstart ng classes tas may kumuha sakin na kakilala ni mudra na taga-canteen. Huhu ayun kastress nga ate :(((

      Liked by 2 people

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Create a free website or blog at WordPress.com.

Up ↑

%d bloggers like this: