Marahuyo

Tinutulak na naman
ng sunod-sunod
na silakbo ng aking puso
ang aking mga paa
upang tumungo sa iyo.
Dala-dala ko na
ang bulaklak na
ipinangako kong
dadalhin ko
sa susunod nating
pagkikita.
Ngunit, giliw,
nawa’y hindi
na muling tumalon
sa takot
ang iyong kaakit-akit na puso
sa aking muling
pagpapakita,
hindi na muling mataranta
hindi na muling madala
ng iyong mga paa
sa kung saan mang lugar
na malayo sa aking mga mata.

Alam kong sa iyong balintataw
ay ako’y kakaiba.
Ang imahe ko nga’y tao,
ngunit saan man ako magpunta,
bitbit ko
ang isang pares ng maliliit na
pakpak
na ililipad ako
sa mga malalayong kapuluan
kabundukan
at karagatan
na sa paniginp mo lang
maaaring masilayan
isang pares ng mahahabang
tainga
na unang nagpakilala sa akin
sa iyo at sa iyong
malambing na tinig
habang pinapaliguran mo
ang iyong sarili
sa batis na aming pag-aari.

Naalala ko pa
noong una kong sinabayan
ang buka ng iyong mga labi
na bumubulong ng mga pamilyar
na berso
ng musika
sa iyong pag-ahon.
Pagsuot mo
ng iyong mga damit
ay agad kitang sinundan
patungo sa inyong bunggalo.
Lihim kitang pinagmamasdan
sa magdamag
at sa pagpatak ng dilim,
sa wakas
nabuo na
ang aking mura at inip
na puso
upang magpakita sa iyo.

Nakahiga ka noon
at ngumiti-ngiting nagbabasa
ng
isang libro
nang inilitaw ko
ang aking sarili sa iyong
harap.
Sariwa pa sa aking gunita
ang iyong malaking mata
na takot na
tinitigan
ang aking hulma
mula ulo
hanggang paa.
Tanda ko pa
ang malakas na paghiyaw
ng “Tulong!”
ng iyong bunganga.
Nahulog mo ang hawak
na libro
at agad kang kumaripas ng
takbo.

Nang sunod kitang silipin
sa iyong kwarto
ay hindi ka na nag-iisa.
Kasama mo na ang isang babae
na marahil
ay iyong ina.
Nangamba akong
hindi na ulit ako
makapagpapakita
ngunit isang hapon
ay naabutan ulit kitang
nangingisda sa batis.
Tinago ko
ang aking pakpak
at mahabang tainga
at dahan-dahan,
muli akong lumapit sa iyo.
Hindi bumilog sa takot
ang iyong mga mata
ni hindi ka man lang
kumaripas ng takbo
upang ‘di na magpakita
bagkus ay ika’y ngumiti
at doon na nagsimula
ang isang pagkakaibigan
na di nagtagal
ay nagbunga
sa isang pagmamahalan.

At ngayon,
ngayong gabi
ay ako’y aamin
kung sino ako
kung bakit ako
naririto,
ipagtatapat ko na
ang aking
tunay na pagkatao.
Gayunman,
ako’y nananalangin
na iyo pa ring
iibigin
at lalambingin
ang kaulayaw mong
engkanto.

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Create a free website or blog at WordPress.com.

Up ↑

%d bloggers like this: