Takbo

Katulad ng nakagawian, mas maaga na naman ang gising mo kaysa sa kanila. Alas-tres pa lang ng madaling araw ngunit mulat na mulat na ang iyong mga mata. Hindi ka maaaring makain ng tulog muli dahil paniguradong talo ka. Hindi ka na naghilamos. Hindi ka na nagdasal. Masasayang lang ang oras. Kailangan mong mauna. 

Pinagpag at itinabi mo kaagad ang kapiraso ng pinagtagpi-tagping dyaryo na hinigaan mo nang apat ng oras. Hindi mo nga alam kung natulog ka ba talaga o ginasta mo lang ang pahinga sa kakaisip sa kung anong mangyayari ngayong araw. Itinago mo ang iyong tanging pag-aari sa isang sulok. Hinihiling mo sa sarili na sa pagbalik mo ay naroon pa rin iyon. Dahil iyon na lamang ang mayroon ka.

Nakalatag na sa isip mo kung ano ang gagawin mo sa magdamag. Una ay pupunta kang simbahan. Hindi ka magdadasal dahil nawalan ka na ng pananampalataya. Tulad ng nakagawian, nandoon ka para magbakasakali. Bibitbitin mo ang mga bigkis ng sampaguita na paniguradong mauubos dahil pista ngayon ng Nazareno. Hindi ka tatayo lang sa isang tabi. Maiikot mo ang kabuuan ng simbahan dahil sa pagkawalang-taros ng iyong diwa. 

Hindi lang sarili ang bitbit mo ngayon. Nakasakbit sa iyong balikat ang arnis na pinag-ipunan mo pang bilhin sa palengke upang may maipangsabak ka na sa mga maliliksing binatilyo na nambubugbog sa’yo tuwing alas-sais y media. Parehong oras araw-araw ngunit nagtataka ka kung bakit kahit saan kap magtago ay natatagpuan ka pa rin nila.
Naniniwala kang hindi ka nila hahatawin ngayon. Naniniwala kang hindi nila makukupit ang kumpol ng mga baryang maiipon mo maya-maya.

Hindi natatapos sa simbahan ang pita mo na kumita. Sasamahan mo ang kababatang si Duday upang mangalap ng mga bote. Ito ang paborito mong bahagi ng buong araw dahil sa piling niya, payapa ka. Sa piling niya, bumabalik ang kagustuhan mong bumalik sa eskwela kahit na kinse ka na at baka mapag-iwanan ka na. Sa piling niya, naniniwala ka.

Kumakaripas ka na papuntang simbahan kahit na mahapdi pa rin sa bugbog ang iyong mga bisig. Ganito rin ang iyong naramdaman kahapon. Ganito ka araw-araw. Nais mo sanang matapos na ang hapdi. Nais mo sanang huwag na tumakbo at maghintay na lamang sa isang sulok hawak ang isang lata na aasahan mong puno na sa pagdilat ng iyong mga mata. Nais mo sanang magpanggap na hindi ka nakakakita. Nais mo sanang magmakaawa na lamang. Ngunit hindi. Hindi ka katulad nila. Tatakbo ka.

Photo source: http://m.favim.com/image/508758/

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Create a free website or blog at WordPress.com.

Up ↑

%d bloggers like this: